Sabado, Setyembre 24, 2011

Bipolar

Kung nagagalit ka man dahil nakasimangot ako,
Pasensya ka na bigla lang akong nalungkot.

Kung napapagod ka sa pagiging makulit ko,
Pasensya ka na masaya lang ako.

Kung natataranta ka dahil bigla akong naiyak,
Pasensya ka na may naalala lang ako.

At kung nagsasawa ka na sa pabago-bago kong isip,
Pasensya ka na, bipolar kasi ako.

Huwebes, Agosto 11, 2011

Sana

Sana umiksi na lang ang panahon para maiksi din ang oras ng aking pag-iisip.
Sana kaunti lang ang mga oras ng isang araw para kaunting panahon nalang din ako luluha.
Sana sa liit ng panahon na iyon ay maipabatid ko sa'yo ang nais kong sabihin, ngunit
Sana isapuso mo rin.

Kung pwede lang sana na buksan mo 'yang isip mo.
Sana malaman mo na
Sana hindi na umabot sa ganito.

Sana hindi na nasayang ang oras
Na sana'y naging makabuluhan o di kaya ay masaya.
Na sana'y iginugol natin sa ating sarili.

Sana ay madali para sa akin na tanggapin lahat
Na lahat ng sana ay binhi ng nakaraan
Sana hindi nagiging ganito kasakit
Ang mga sana, na sana ay naging totoo.

Sana hindi masakit, ngunit lalong masakit.
Sana hindi puro pagsisisi, pero ganoon ang nangyayari.
Sana hindi nalang kita minahal.
Sana hindi mo nalang ako minahal.
Sana hindi mo nalang ako nakilala.
Sana.
Sana hindi nalang din kita nakilala.

Biyernes, Mayo 27, 2011

Ice Cream

Hindi ko alam kung bakit kino-consider ko na comfort food ang ice cream, eh minsan lang naman ako kumakain no'n pero sa bawat pag-kain ko no'n ay kakaibang ngiti ang nabubuo sa mga labi ko. 'Yung ngiti ng isang adik na naka-tira muli ng bato, o ng isang lasing na parang tanga.

Natatandaan ko dati, sa pangalawang trabaho ko, na kailangan ko pang tumakas ng bahagya para makakain lamang ng kakaibang ice cream sa Mini Stop. Hindi rin ako makakain ng ice cream ng mga panahong iyon dahil may namuhay na pantasya sa utak ko: na magiging singer ako at hindi pwede kumain ng ice cream dahil makakasira ito ng boses ko. Huli na nang nalaman kong hindi naman pala ako pwede maging singer. Wala akong  talent doon.

Mabalik tayo sa ice cream. Comfort food ko talaga 'yon. Naaalala ko nang nag-walk out ako sa trabaho at dumiretso sa condo para magmukmok. May isa akong friend na napaka-thoughtful at dinalhan ako ng McFlurry sa mismong kuwarto ko. Nawala lahat ng galit ko sa mundo noong panahong iyon.

Bakit nga ba hindi ako nakakakain madalas ng ice cream? Hindi kasi ako mahilig sa matatamis. May mga oras na hindi ko kayang kumain ng ice cream dahil parang kinakayod ang lalamunan ko. Ganunpaman, ice cream parin ang magpapatahan sa'kin sa tuwing iiyak ako, o makakapagpa-kalma sa'kin sa tuwing magagalit ako. Sa totoo lang ang ice cream ay isang metaporiya ng pagkatao ko. Matamis ngunit malamig.

Sweet ako, oo. Sweet ako sa mga taong karapat-dapat. Pero pag nararamdaman ko na na hindi naman sapat ang pinapakita n'ya, nagiging sobrang lamig ko, na sa pagtagal naman ng panahon ay natutunaw at nagiging matamis na lamang. Sweet ako, pero malamig.

Dahil hindi ako mahilig sa matatamis at nakakasakit sa'kin ang minsanang pagkain ng ice cream, hindi ko masasabi na maaatim kong lunukin ang sarili kong sweetness. Hindi ko kailangan ng sweetness ko. Ibibigay ko nalang siguro sa iba.

Martes, Marso 8, 2011

Dalawang Taon II

ANG SAKIT SAKIT NA.

Sa loob-loob ko ayan ang sinasabi ko. Dalawang taon na kitang hindi nakikita. Hindi ko na naririnig ang maganda mong tinig. Siguro naman ay hindi mo narin iniisip ang aking tinig.

Parang kahapon nga lang ang dalawang taon na pagkawala mo. Sariwa pa ang lahat sa akin -- kung paano tayo unang lumabas, noong una kitang inawitan, noong una mo akong inawitan, ipinakilala sa pamilya mo, ipinagmayabang sa mga kaibigan mo. Tandang tanda ko pa noong napadaan tayo sa opisina mo. Kulang nalang ay ipagsigawan mo na ako ang girlfriend mo.

Sana ako lang, sana ako na lang, sana ako nalang ulit (hiram na linya ni Basha).

Dalawang bagay ang naglalaro sa isip ko ngayon: una ay ang mga kantang inalay mo sa akin, at pangalawa ay ang mga kantang nagpapaalala sa akin na wala nang tayo, na ang kaunting panahon na nagkasama tayo ay mananatiling isang magandang alaala para sa akin.

Hindi
ka
mawala-wala
sa
isip
ko.

Siguro nga ay may kanya kanya na tayong buhay. Natupad mo na ang pangarap mo, at unti unti ay tinutupad ko na ang akin. Pero lingid sa kaalaman mo na hinding hindi na matutupad ang pinaka-pinapangarap ko.

Ikaw.

Ikaw na sa loob ng dalawang taon ay lalong nabubuhay sa puso ko. Kahit na alam nating lahat na iba na ang nilalaman ng puso mo. Isa kang hiram, ngunit para sa akin, sa'yo parin ako. Hindi nawawala ang pag-ibig ko sa'yo ngunit mas mamabutihin ko nalang manahimik sa isang sulok dahil alam ko na sa lahat ng nangyari, malaki ang kasalanan ko sa'yo.

Oo, pinatawad mo na ako. Kinakausap mo na ako sa YM at Facebook. Siguro nga ay sapat na 'yon dahil ang pangarapin pang makuha kang muli ay isang napaka-imposibleng bagay. Pero libre lang ang mangarap. Libre lang isipin na kung sana ay nagtagal tayo, ikaw na ang pinakasalan ko, ang ipinagluluto ko, ang inaawitan ko gabi-gabi, ang niyayakap ko, at sinasabihan ko ng "hinding hindi kita iiwan", at "magiging maayos din ang lahat".

Minsan ay natutuyuan na ako ng luha kakaiyak at kakaisip ng mga bagay tungkol sa akin. Sadyang maraming tubig ang katawan ko para lumuha. Dalawang taong luha, ilang patak kaya iyon? Napakadami.

Nandito lang ako, tahimik na umiibig ng palihim sa'yo. Kahit maging tatlo, apat o sampung taon man ang pagkawala mo, nandito parin ako.

Sabado, Pebrero 12, 2011

Utot

Hindi kita nakikita
At ayaw naman kita makita
Hindi ko maisip
Kung ano ang gagawin ko
Sa oras na makita kita.

Hindi ka nakakatuwa
Pero madalas ay nakakatawa

Gusti kitang alisin
Bugawin, palayuin
Hindi kita kailangan
Isa kang masamang hangin.

Nakakaadwa ka
Nakakadiri ka
Nakakasuka ka
Nakakatawa ka

Tawa --
Produkto ka ng tawa
Luha --
Produkto ka ng luha
Hangin --
Isa kang uri ng hangin
Ng masamang hangin

Lumayo ka na
At wag magparamdam pa
Isa kang utot sa buhay ko
Maglaho ka na lang sana.

Miyerkules, Pebrero 9, 2011

Paano Gamitin ang Salitang 'Bitter'

Madalas natin marinig ang salitang 'bitter' lalo na kung papalapit na ang Valentine's Day. Hindi naman kasi maikakaila ang kalunos-lunos na sinasapit ng mga single, o ng mga tao na hindi maka-relate sa flowers, chocolates, dinner dates, at kung ano ano pang elemento ng Valentine's Day.

Ang salitang 'bitter' ay nagiging loose term na. Ibig sabihin, nagkakaroon ito ng mas malawak na kahulugan. Ang isang tao ay agad na tatawaging 'bitter' kung nagsuot s'ya ng itim sa Valentine's, o kaya'y nakikinig ng mga suicidal songs gaya ng mga kanta ni Whitney Houston. Higit pa doon, nakakainis kapag tinawag kang bitter matapos mong sabihin na "wala akong ka-date ngayong V-Day" nang may halong simangot.

Paano nga ba maikakahon ang salitang 'bitter' sa konotasyon nito sa pag-ibig (o pagkawala nito)?

1. Ang salitang 'bitter', kapag isinalin sa Tagalog ay 'mapait'. Ang simpleng pagsimangot o di kaya'y pagkainis sa pag-ibig (o pagkawala nito) ay hindi sapat na dahilan para matawag na bitter ang isang tao. Ngunit ang paglaganap ng pagkagalit sa pag-ibig, sa babae o lalake (depende sa gender preference), ang pagkakaroon ng negatibong reaksyon sa tuwing may makikitang magkasintahan na super sweet ay maaari nang maging batayan sa pagiging bitter ng isang tao.

2. Isang mabigat na akusasyon ang matawag na bitter. Ang bitter ay hindi lamang isang short-term na salita. Ibig sabihin, may kinakailangang mahabang oras upang ang isang tao ay maging bitter. Hindi lang din ito simpleng salita, kinakailangan na may marami nang naiambag na galit at poot ang isang tao sa pag-ibig (o kawalan nito).

3. ANG PAGIGING SINGLE AY HINDI NANGANGAHULUGAN NA BITTER NA ANG ISANG TAO. May mga single na masaya. Pinili nilang maging single hindi dahil bitter sila (may galit sa opposite sex o kung anuman) kundi dahil mas masaya sila nang walang kasintahan. Ngunit may mga single na tao na bitter (marami pa nga eh).

4. Ang pagiging bitter ay hindi napapanahon; ito ay maaaring mangyari sa isang tao sa kahit anong panahon. Hindi lamang sa Valentine's Day naglilipana ang mga taong bitter.

5. Ang pagwakas sa isang relasyon at pagbangon matapos nito ay hindi maaaring maging batayan sa pagiging bitter. May mga taong sadyang tanggap ang tadhana nila sa pag-ibig (o kawalan nito). Mayroon din namang mga tao na hindi matanggap ito, ngunit hindi parin ito batayan ng pagiging bitter. Kinakailangang ang tao na ito ay maghayang ng mga negatibong pananaw sa pag-ibig (o kawalan nito) sa mahabang panahon.

Malamang ay naihayag ko narin ang mga batayan sa pagiging bitter ng isang tao. Ang salitang 'bitter' ay hindi madaling gamitin sapagkat ito ay isang mabigat na akusasyon laban sa isang tao na bigo sa pag-ibig. Tandaan na gamitin nang may pag-iingat ang salitang 'bitter' dahil ito ay maaaring tumama sa lahat ng taong katulad mo.

O katulad ko.

Pero hindi ako bitter.

Miyerkules, Pebrero 2, 2011

Dalawang Taon I

Lumabas ako ng gusali at nakita kita na papalapit dito. Nakangiti ka na tila ba parang hindi mo ako nakita ng ilang taon. Kinuha mo ang bag ko, kinuha mo ang kamay ko at sabay tayong lumakad papalayo sa gusali.

Bakit hanggang ngayon ay parang may iniintay ako sa labas ng gusali? Lahat ng mukha ng tao - mapa-babae o lalaki - ay ikaw ang nakikita ko, umaasa na salubungin mo ulit ako at sunduin.

Dalawang taon na ang nakakalipas. Matagal din 'yon. Maaari ko nang natapos ang Master's ko noon, o kaya nama'y sumexy na ako noon. Pero hindi. Dalawang taon na ang lumipas pero walang nagbago sa akin. Ganito parin ako.

Walang nagbago sa itsura ko, sa lugar ng pinagtatrabahuhan ko, sa mga iniisip ko, sa puso ko.

Halos mabaliw ako sa dalawang taon na wala ka. Pero hindi. Marunong parin akong mamuhay nang normal. Dahil sa loob loob ko, ikaw parin ang inspirasyon ko. Para bang lahat ng ginagawa ko ay pinapanood mo.

Walang nagbago sa sarili ko, lalo na sa laman ng puso ko. Dalawang taon ka nang naghahari sa puso ko.

Sa tuwing iisipin ko kung gaano katagal bago tayo magkita ulit, parang dalawang oras lamang ang dalawang taon. Sa buong buhay ko hindi ko ninais na maghintay at magbilang ng mga taon para makita lamang ang isang tao. Ikaw lamang ang nagturo sakin noon. Kung kinakailangang dalawang dekada ang intayin ko para magkita tayo uli, gagawin ko. At sasabihin ko sa'yo, ikaw parin ang laman ng puso ko.

Hindi ako nahihirapan dahil dalawang taon na kitang hindi nakikita. Nahihirapan ako dahil ang mga alaala mo ang bumubuhay sakin, tapos sa isang iglap lamang ay mapagtatanto ko na wala ka na pala. Sa loob ng dalawang taon, iyan ang pumapasan sa akin.

Hindi na ako umaasang mamahalin mo pa ako. Siguro sa loob ng dalawang taon ay umayos ang buhay mo, nagkaroon ka ng mas madaming kaibigan, nakapunta ka sa iba ibang lugar, mas nakasama mo ang pamilya mo, at may nagalaga at umibig sa'yo.

Sana matumbasan n'ya ang pagibig ko sa'yo. 'Yun ang malabong mangyari.

Kung dumating man ang araw na magka-salubong tayo, sana hindi mo isipin na dahil dalawang taon mo na akong hindi nakikita ay hindi mo na ako papansinin. Kahit tumingin at ngumiti ka man lang sana sa loob ng isang segundo.

Kahit ngiti mo lang.