Miyerkules, Pebrero 2, 2011

Dalawang Taon I

Lumabas ako ng gusali at nakita kita na papalapit dito. Nakangiti ka na tila ba parang hindi mo ako nakita ng ilang taon. Kinuha mo ang bag ko, kinuha mo ang kamay ko at sabay tayong lumakad papalayo sa gusali.

Bakit hanggang ngayon ay parang may iniintay ako sa labas ng gusali? Lahat ng mukha ng tao - mapa-babae o lalaki - ay ikaw ang nakikita ko, umaasa na salubungin mo ulit ako at sunduin.

Dalawang taon na ang nakakalipas. Matagal din 'yon. Maaari ko nang natapos ang Master's ko noon, o kaya nama'y sumexy na ako noon. Pero hindi. Dalawang taon na ang lumipas pero walang nagbago sa akin. Ganito parin ako.

Walang nagbago sa itsura ko, sa lugar ng pinagtatrabahuhan ko, sa mga iniisip ko, sa puso ko.

Halos mabaliw ako sa dalawang taon na wala ka. Pero hindi. Marunong parin akong mamuhay nang normal. Dahil sa loob loob ko, ikaw parin ang inspirasyon ko. Para bang lahat ng ginagawa ko ay pinapanood mo.

Walang nagbago sa sarili ko, lalo na sa laman ng puso ko. Dalawang taon ka nang naghahari sa puso ko.

Sa tuwing iisipin ko kung gaano katagal bago tayo magkita ulit, parang dalawang oras lamang ang dalawang taon. Sa buong buhay ko hindi ko ninais na maghintay at magbilang ng mga taon para makita lamang ang isang tao. Ikaw lamang ang nagturo sakin noon. Kung kinakailangang dalawang dekada ang intayin ko para magkita tayo uli, gagawin ko. At sasabihin ko sa'yo, ikaw parin ang laman ng puso ko.

Hindi ako nahihirapan dahil dalawang taon na kitang hindi nakikita. Nahihirapan ako dahil ang mga alaala mo ang bumubuhay sakin, tapos sa isang iglap lamang ay mapagtatanto ko na wala ka na pala. Sa loob ng dalawang taon, iyan ang pumapasan sa akin.

Hindi na ako umaasang mamahalin mo pa ako. Siguro sa loob ng dalawang taon ay umayos ang buhay mo, nagkaroon ka ng mas madaming kaibigan, nakapunta ka sa iba ibang lugar, mas nakasama mo ang pamilya mo, at may nagalaga at umibig sa'yo.

Sana matumbasan n'ya ang pagibig ko sa'yo. 'Yun ang malabong mangyari.

Kung dumating man ang araw na magka-salubong tayo, sana hindi mo isipin na dahil dalawang taon mo na akong hindi nakikita ay hindi mo na ako papansinin. Kahit tumingin at ngumiti ka man lang sana sa loob ng isang segundo.

Kahit ngiti mo lang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento