Linggo, Disyembre 5, 2010

Bibili Ako ng Tao

Isa lamang ako sa bilyon bilyong tao na nagnanais tumama sa lotto. Bakit nga naman hindi eh instant millionaire ka kapag ganon. Di mo na kailangan kumayod at magsimula bilang shock absorber ng nagliliyab mo na boss dahil sa dami ng pera mo ay pwede ka nang maging boss.

Pag kaya yumaman ako, makakabili kaya ako ng tao? Oo, tao.

Naisip ko lang na ang saya siguro mag-mayari ng tao. Hindi ko pag-aari ang anak ko pati magulang ko, pero kung bibilhin ko ang isang tao, masasabi kong akin s'ya.

Promise hindi ko s'ya aalilain. Gusto ko lang ng nagsasalitang pag-aari. Matagal ko nang sinasabi sa mga tao na masaya bumili ng tao kahit wala naman talagang patutunguhan ang usaping pagbili ng tao. Pang-lasing lang 'yon.

Gusto ko lang ng kausap, yung hindi iimik kapag may sinabi akong mali, at yung hindi magrereklamo kapag boring na ang sinasabi ko. Gusto ko tao; hindi hayop o kung anong object. Gusto ko isang tao na may pang-unawa at pwede makinig sa anumang sasambitin ko, kahit madaling araw na.

Kanya-kanyang trip siguro. Gusto ko bumili ng tao pag nanalo ako sa lotto. Ikaw, anong gusto mong bilhin?

Miyerkules, Setyembre 22, 2010

Adik sa Pag-aaral

Gusto ko mag-aral ulit. Hindi sapat ang pagkuha ng dalawang kurso sa kolehiyo para masabing isa na akong ganap na tao na may alam.

Eh inspirasyon ko si Jose Rizal eh.

Pero hindi. Hindi ko nais mag-aral muli dahil kay Pepe, o sa mga taong nanlait sa akin noon, o dahil gusto ko lang; malalim ang dahilan ko sa pagiging uhaw sa kaalaman.

Ang pagkuha at pag-linang ng kaalaman ay hindi natatapos. Kahit pa ang isang tao ay nakapagtapos ng doctor of philosopy, o kaya'y umabot na ang IQ sa 300, may mga bagay pa rin na hindi pa n'ya tuluyang nama-master. Ang tao ay walang kapasidad na malaman ang lahat ng bahay. Ngunit may mga tao na hindi nakukuntento sa kanilang pangkasalukuyang kaalaman.

Tulad ko. Gusto kong mag-aral dahil madami akong bagay na gustong malaman. Hindi ako umaasang malaman ko lahat ng bagay dahil ako ay tao lamang, ngunit gusto kong malaman ang iba pang mga bagay, lalo yung mga bagay na hindi ko natutunan nung kolehiyo.

Kumukuha ako ng master's sa Maynila upang lalo pang mapatibay ang aking kaalaman sa kursong Komunikasyon. Ngunit hindi doon natatapos ang kagustuhan kong mag-aral pang muli. Kahit yata mag-PhD ako ay magnanais muli akong makapag-aral.

Nakakainis isipin na isa akong delinkwenteng estudyante noong kolehiyo. Ang tawag sa tulad ko noon ay waste of taxpayer's money. Pero hindi naman ibig sabihin noon ay wala na akong natutunan dahil madami akong naaral dati. Ngayon na hindi na ako nag-aaral at di na umaasa sa perang mang-matrikulang nanggaling sa magulang, nagiging malaking hamon sa akin ang mag-aral muli.

Adik nga lang sa pag-aaral, sabi nila. Para sa akin hindi isang kagustuhan lamang ang pag-aaral kundi isang pangangailangan.

Sa totoo lang, nabobobohan ako sa sarili ko, pero hindi rin 'yon ang dahilan ng kagustuhan at pangangailangan kong mag-aral.

Biyernes, Setyembre 10, 2010

Isang Love Story Pero Not Really (Feb 1, '07)

Gusto mo ba ng love story pero not really?

Nahihirapan ako na tanggapin na isa na pala akong ganap na atchay. Hindi nga ako mautusan sa bahay para gumawa ng chores, pag-lampasuhin ng pulang sahig sa school gamit ang puting floorwax at floor polisher, at hindi din ako tumuloy sa pagsali ng orgs sa UPLB dahil ayoko nang inuutusan. Gumagawa naman ako, pero ayoko nang sapilitan.

Matagal ko na s'yang kilala. Freshman pa lang ako, nakikita ko na s'ya. Tahimik. Gwapo. Pero mahina sa math. Nakilala din n'ya ako noon, pero ewan ko lang kung kapareho ng pagkakakilala ko sa kanya... ang mala-stalker na pagkakakilala ko sa kanya.

Madalas ko s'yang tinititigan sa kahit anong anggulo na hindi n'ya mapapansin. S'ya yung tipo ng tao na masarap kuhanan ng picture dahil gwapo; madaming pwedeng ibig sabihin ang mga ngiti n'ya, at kahit ang mala-papparazzi na mga kuha ko sa kanya.

Doon ko natutunan na gusto ko na higit pa sa isang stalker at papparazzi ang maging papel ko sa buhay n'ya. Gusto ko naman na kahit papaano ay makunan ko s'ya ng picture nang harap-harapan, matitigan sa mata, makausap, makasama. Pero sadyang naduwag ako at piniling maging stalker at papparazzi.

Wala akong naging reklamo sa tatlong taon na papel ko sa buhay n'ya. Loyal ako e.

Pero dumating yung oras na narealize ko na medyo higit pa sa trabaho ko ang nangyayari. Nakakausap ko na s'ya, nakakatawanan, nasusunod.

Malaking bagay sa akin na makausap n'ya, kahit simpleng "oo" ay parang World Pyro Olympics na ang impact sa'kin. Astig, no?

Tapos nagkakaroon din ng pagkakataaon na higit pa sa "oo" ang naririnig ko mula sa mapula at mamasa-masa n'yang bibig. Nakakarinig narin ako ng "pakisend naman nito" at"paki-edit naman nito" O, diba, bongga? Secretary na, editor-in-chief pa! Tumbling!

Padami nang padami ang mga nasasabi n'ya sa akin tulad ng "pagawa naman nito,""patulong naman," at ang simpleng "magdala ka naman nito." Sa pagkakataong ito, hindi na ako tumambling. Parang iba na kasi e. Parang pag nakikita ko s'ya ay puro nalang hiling ang gusto n'ya. Di ko na kaya maging genie dahil 'di ko kaya magbigay ng wish para sa iba...

...dahil kahit sarili kong wish ay hindi ko matupad.

Kahit ilang beses kong sabihin na "sinunod ko ang mga gusto n'ya pero wala s'yang narinig sa akin," ay hindi ko pwedeng sabihin na hindi ako madamot. Dahil umaasa ako na kahit papaano ay matupad ang matagal ko nang wish -- ang mahalin din n'ya ako bilang ako.

Ang damot ko, ano?

Pero talagang kahit anong gawin ko ay malabo mangyari 'yon. Hindi n'ya dapat malaman ang aking feelings at dahil doon, lalong malabo mangyari ang hiling ko. Mananatili na lamang hiling ang aking hiling, dahil mas masakit kung pati ang pagiging secretary, at editor-in-chief ay mawala bilang aking mga trabaho. Masakit ang mapalayo sa'yo, kaya't tatanggapin ko na atchay na lang ako.

Miyerkules, Setyembre 8, 2010

Marso (Mar 1, '07)

Unang araw ng Marso ay ikaw ang napanaginipan ko. Sa panaginip ko ay kayakap kita. Gusto ko ang pakiramdam, gusto kong hindi nalang gumising.

Unang araw ng Marso ay ikaw na ang sumalubong sa akin sa aking pagtulog.

Bakit tuwing Marso ay mahal kita?

Bakit tuwing Marso, sa kalagitnaan ng ating pagka-tigang sa pag-ibig, ay bumabalik lahat ng ala-ala? Hindi ko man naramdaman dati ang mga bagay sa panaginip ko, alam kong kung magkakatotoo man ang lahat ng iyon ay parang hindi na bago. Bakit? Kasi andito ka lang sa loob-loob ko.

Andito ka lang. Maaaring natutulog sa isip at puso ko, ngunit tuwing Marso ay buhay na buhay.

Ngayon ay gusto ko na parating matulog sa pag-asang makapiling ka. Sana ay mahaba ang Marso.

Martes, Setyembre 7, 2010

Ayoko Munang Magmahal (Dec 23, '06)

Madalas kong sabihin 'yan sa tuwing tatapusin ko ang isang relasyon. Kung pwede lang mamahinga ang puso at kung pwede lang sabihin sa utak na "tama na" ay gagawin ko. Pero hindi ganoon kadali ang turuan ang dalawang bagay na ito upang hindi magmahal.

Oo, pag-ibig...

parang isang kandilang nagniningas sa gitna ng kadiliman. Napakaganda. Ngunit pag masyadong napalapit ay nakakapaso. Maaari ko itong ikasunog, ngunit sino nga ba sa ating lahat ang hindi pa nagmahal? Sino ang hindi pa napapaso?

"Ayoko munang magmahal." Mahirap. Bakante. Blangko. Ngunit hindi iyan nasusunod.

Ayoko munang magmahal. Ngunit bakit ang nais ko ngayon ay makita at makasama ka?

Ayoko munang magmahal. Ngunit bakit ang mga simpleng bagay na ginawa natin ay ang mga pinaka-nakakapagpasaya sa akin?

Ayoko munang magmahal. Ngunit bakit ako masaya kahit hindi espesyal ang pagtrato mo sa akin?

Nais ko ngayon ay lumapit sa iyong ningas. Nais ko ngayon ay makita ka. Nais ko ngayon ay makasama ka. Nais ko ngayon maramdaman ang init mo.

Ikaw ang pag-ibig. Ikaw ang ningas. Ikaw ang aking ilaw sa kadiliman. Ngunit para sa iyo, isa lamang akong gamu-gamo sa kadiliman.

Ayoko

munang

magmahal.

Ngunit nararamdaman kong papalapit na ako sa ningas. Ikaw ang pag-ibig. Ikaw ang ningas. Ngunit hindi mo kailanman makikita ang isang gamu-gamo na ang tanging kaligayahan lamang ay ang lumapit at maglaro papalapit sa iyo.

Nais ko na ngayong umibig. Magmahal. Masaktan. Mapaso. MASUNOG. Sapagkat ikaw na ang aking mundo. Ang tanging nais ko lamang ngayon ay magningas kasama mo kahit alam ko na ito ay ikamamatay ko. Kahit na alam ko na isa lamang ako sa mga gamu-gamo na nagpadala sa kagandahan mo. At kung dumating man ang oras na pati puso at isip ko ay masunog, ikaw parin ang hahanapin ko.

Ikaw na sa ibang ningas ay isa ring gamu-gamo.

Lunes, Setyembre 6, 2010

Isang Pagbati

Mabuhay, bisita. Naandito ka ngayon sa aking yamang retorika, o kung ano man ang katumbas ng pagkamalikhain sa pamamagitan ng salita. Ginawa ko ang blog na ito upang ibahagi sa'yo ang aking natatagong pagnanais na magsulat sa wikang Filipino. Hindi ako dalubhasa sa wika, ngunit itinuturing kong isang kayamanan ang pagkakaroon ng kaalaman sa mayamang wika na ito.

Ang ibang nilalaman ng blog na ito ay hinukay ko mula sa aking isa pang blog na matagal ko nang kinalimutan.

Hindi po ako ganito magsalita sa kabuuan ng blog na ito. Nagpapa-impress lang.

Kung wala ka rin lang ibang magawa, tuklasin ang aking baul ng retorika at kung ano ano pa.

Bakit pink?

Bakit hindi.