Martes, Marso 8, 2011

Dalawang Taon II

ANG SAKIT SAKIT NA.

Sa loob-loob ko ayan ang sinasabi ko. Dalawang taon na kitang hindi nakikita. Hindi ko na naririnig ang maganda mong tinig. Siguro naman ay hindi mo narin iniisip ang aking tinig.

Parang kahapon nga lang ang dalawang taon na pagkawala mo. Sariwa pa ang lahat sa akin -- kung paano tayo unang lumabas, noong una kitang inawitan, noong una mo akong inawitan, ipinakilala sa pamilya mo, ipinagmayabang sa mga kaibigan mo. Tandang tanda ko pa noong napadaan tayo sa opisina mo. Kulang nalang ay ipagsigawan mo na ako ang girlfriend mo.

Sana ako lang, sana ako na lang, sana ako nalang ulit (hiram na linya ni Basha).

Dalawang bagay ang naglalaro sa isip ko ngayon: una ay ang mga kantang inalay mo sa akin, at pangalawa ay ang mga kantang nagpapaalala sa akin na wala nang tayo, na ang kaunting panahon na nagkasama tayo ay mananatiling isang magandang alaala para sa akin.

Hindi
ka
mawala-wala
sa
isip
ko.

Siguro nga ay may kanya kanya na tayong buhay. Natupad mo na ang pangarap mo, at unti unti ay tinutupad ko na ang akin. Pero lingid sa kaalaman mo na hinding hindi na matutupad ang pinaka-pinapangarap ko.

Ikaw.

Ikaw na sa loob ng dalawang taon ay lalong nabubuhay sa puso ko. Kahit na alam nating lahat na iba na ang nilalaman ng puso mo. Isa kang hiram, ngunit para sa akin, sa'yo parin ako. Hindi nawawala ang pag-ibig ko sa'yo ngunit mas mamabutihin ko nalang manahimik sa isang sulok dahil alam ko na sa lahat ng nangyari, malaki ang kasalanan ko sa'yo.

Oo, pinatawad mo na ako. Kinakausap mo na ako sa YM at Facebook. Siguro nga ay sapat na 'yon dahil ang pangarapin pang makuha kang muli ay isang napaka-imposibleng bagay. Pero libre lang ang mangarap. Libre lang isipin na kung sana ay nagtagal tayo, ikaw na ang pinakasalan ko, ang ipinagluluto ko, ang inaawitan ko gabi-gabi, ang niyayakap ko, at sinasabihan ko ng "hinding hindi kita iiwan", at "magiging maayos din ang lahat".

Minsan ay natutuyuan na ako ng luha kakaiyak at kakaisip ng mga bagay tungkol sa akin. Sadyang maraming tubig ang katawan ko para lumuha. Dalawang taong luha, ilang patak kaya iyon? Napakadami.

Nandito lang ako, tahimik na umiibig ng palihim sa'yo. Kahit maging tatlo, apat o sampung taon man ang pagkawala mo, nandito parin ako.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento